NAGSAGAWA ng outreach mission ang Malacañang Press Corps (MPC) sa Bahay Aruga, isang halfway house para sa mga batang may kanser sa lungsod ng Maynila.
Bitbit ang iba’t ibang donasyon tulad ng mga gamot, damit, at cash, ang grupo na nagkokober sa Pangulo, ay pinangunahan ng kanilang presidente na si Ms. Pia Gutierrez-Dela Cruz ng ABS-CBN, kasama ang iba pang MPC officers na sina Aileen Taliping, Cath Valente, Leth Narciso, Haydee Sampang, at iba pa.
Nakipagsanib-pwersa rin ang media group sa Private Sector Advisory Council (PSAC) na nag-donate naman ng P500,000.
Layon ng hakbang na ito na suportahan ang mga pangangailangan ng mga batang pasyente at kanilang mga pamilya na umaasa sa Bahay Aruga para sa pangangalaga at matutuluyan habang ginagamot ang mga ito.
Ipinaliwanag naman ni Ms. Jean Bonilla-Bernardo, Board Member ng Bahay Aruga Inc., na ang kanilang shelter ay isang libreng tirahan para sa mga batang may kanser.
Aniya, itinayo ito ng kanyang tiyahin na si Ms. Marietta Bonilla noong January 31, 2014 para kupkupin at arugain ang mga pasyenteng sumasailalim sa gamutan sa Philippine General Hospital (PGH).
“Lumuwas [sila rito] sa Maynila para magpagamot po sa PGH at lahat ng mga kaso namin dito ay mga kanser mula edad 0 hanggang 19 taong gulang,” sabi ni Bonilla.
Dagdag pa niya, karamihan sa kanilang mga kliyente ay mula sa malalayong probinsya sa buong Pilipinas, kabilang ang Luzon, Visayas at Mindanao.
“Taos-puso po ang aming pasasalamat sa Malacañang Press Corps, sa Aboitiz Foundation team. Maraming-maraming salamat. Ang inyong blessing po na shinare sa amin ay napakalaking tulong po para po sa aming sustainability at malaking tulong din sa maibabahagi namin sa mga warriors na meron kami,” dagdag pa niya.