Nakiusap ang Malacañang sa grupong Kalayaan Atin Ito na nais magtungo at manirahan ng isang buwan sa Kalayaan Islands sa Palawan na huwag nang tumuloy.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na kaya sila nasa The Hague, Netherlands ay para maresolba sa maayos at mapayapang paraan ang claim sa West Philippine Sea.
Hindi na aniya dapat dagdagan pa ang isyu lalo na’t nasa UN Arbitral Tribunal na ang usapin na siyang rason kung bakit naroon ngayon ang mga abogado ng gobyerno.
Iginiit ni Valte na may mga physical limitations na maaari at hindi maaring gawin sa paggigiit na makapunta sa Kalayaan Island.
Ang grupo ng mga volunteers sa pangununa ng dating sundalong magdalo na si Noel Faeldon ay balak manatili sa Kalayaan Island para ipakita ang pagkakaisa at igiit ang territorial claim ng Pilipinas kontra sa China.
Kalayaan Atin Ito
Nakatakda nang maglayag ngayong araw na ito patungong Kalayaan Island sa Palawan ang grupong Kalayaan Atin Ito.
Ito ay sa kabila ng pagtutol ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of National Defense (DND).
Nabatid na hindi nasunod ang orihinal na iskedyul ng tinaguriang “freedom voyage” kahapon matapos maantala ang biyahe ng mga kalahok nito mula sa Visayas dahil sa masamang panahon.
Nauna nang inihayag ng AFP at DND na hindi magandang maglayag sa karagatan ng ganitong panahon at posibleng palalain nito ang territorial dispute sa West Philippine Sea.
By Meann Tanbio | Aileen Taliping (Patrol 23)