Suportado ng Malacañang ang pagbuo ng Philippine National Police sa Joint Anti-Fake News Action Committee.
Sa press briefing sa Malacañang, ibinahagi ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na muling natalakay ang paglaban sa fake news sa pulong na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at ng Department of Information and Communications Technology.
Inihalimbawa ni Usec. Castro ang pagkakadakip sa tatlong nasa likod ng pagdukot at pamamaslang sa Chinese national na si Anson Que, kung saan mayroon pa rin aniyang nagpapakalat ng balita na ‘Fall guys’ lamang ang mga inaresto.
Nakakadismaya aniya ito, lalo’t pinalalabas ng fake news peddlers na nagbabalita ng maling impormasyon ang pamahalaan, maging ang mainstream media.
Kaugnay nito, umapela ang palasyo sa lahat ng Pilipino, na maging responsableng social media content creator, at magtulungan sa pagsugpo sa fake news.