Tiwala ang Malacañang na kayang pangasiwaan at harapin ni BSP o Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Nestor Espenilla ang hamon nang pagbaba ng halaga ng Piso kontra sa Dolyar.
Ito ay matapos maitala sa pinakamababang level ang halaga ng Piso sa loob ng nakalipas na 11 taon at hindi maiwasang mangamba sa posibleng pagsadsad pa nito ng husto.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella ang naitalang paghina ng Piso sa merkado ay pansamantala lamang dahil sa mga nangyayari sa labas ng bansa.
Tiwala naman aniya ang Palasyo na makakabawi ang Piso sa susunod na buwan kapag humupa na ang tensyon at kapag pumasok na ang remittances ng mga OFW o Overseas Filipino Workers tuwing matatapos ang taon bukod pa sa kita sa turismo.
Naniniwala ang Palasyo tulad ni Espenilla na malabong tuluyang bubulusok ang Piso dahil sa pinaiiral na economic fundamentals, malaking currency reserves at interes ng investors na mamuhunan sa bansa.
By Judith Larino / (Ulat ni Aileen Taliping)