Kumpiyansa ang Malacañang na may sapat pang panahon ang Commission on Elections (COMELEC) para ayusin at itama ang technical glitches na naranasan sa ginawang mock elections nitong weekend sa mga voting at counting machines.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, dapat ma-check at matukoy ang lahat ng problema para matiyak ang maayos, tapat at may integridad na pambansang halalan sa Mayo.
Kasabay nito, sinabi ng kalihim na may bentahe ang ginawang mock elections dahil naranasan ng mga botante ang aktuwal na sitwasyon at tamang propseso ng pagboto.
Pero naniniwala si Coloma na kailangan pa ang mas pinaigting na voter’s education program para mapabilis ang daloy ng botohan sa Mayo 9.
*Report from: Aileen Taliping (Patrol 23)