Wala umanong naganap na secret deal ang pamahalaan para tapusin ng Iglesia ni Cristo (INC) ang kanilang kilos protesta.
Inihayag ito ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte matapos mag-usap ang ilang kinatawan ng gobyerno at INC.
Binigyang-diin ni Valte na walang batayan ang pahiwatig ng ilang grupo na mayroong nabuong kasunduan kaya napapayag ang mga nagkilos-protesta na lisanin ang inokupang lugar sa EDSA.
Ayon kay Valte, nagkaroon lamang ng paliwanagan at paglilinaw sa isyu at concerns ng magkabilang panig na nagkaroon ng positibong resulta.
Hindi naman binanggit ng Palace official kung sinu-sino ang mga kinatawan ng gobyerno na nakipag-usap sa INC.
Samson hinamon si PNoy
Samantala, hinamon ng kampo ni dating Iglesia ni Cristo Minister Isaias Samson sina Pangulong Benigno Aquino III at Interior Secretary Mar Roxas na maging transparent kaugnay sa umano’y ‘agreement’ ng gobyerno sa dating kinaanibang organisasyon kaya natapos na ang rally kahapon.
Sinabi nina Trixie Cruz-Angeles at Ahmed Paglinawan, dapat nilang malaman ang konteksto ng nasabing kasunduan at kung bakit hindi kasama ang kanilang kliyente sa negosasyon.
Nakalagay din sa kanilang statement na linawin nina Pangulong Aquino at Roxas kung nabenta na nila ang kanilang kliyente kasabay ng giit na ang isang kasong kriminal ay hindi isang political pawn.
Lumalabas daw na sa anunsyo ng INC, mistulang bumigay rito ang gobyerno at pinaboran ang religious organization.
By Meann Tanbio | Aileen Taliping (Patrol 23) | Mariboy Ysibido