Kinondena ng Pilipinas ang pamamaril at pambobomba sa Jakarta Indonesia kahapon.
Ayon sa Department of Foreign Affairs o DFA, isinaad nito na nakikiisa at handang tumulong ang bansa sa mga Indonesian na naging biktima ng malagim na trahedya.
Bago ito, una na ring kinondena ng international community ang pag-atake na kumitil sa maraming buhay at nagdulot ng pinsala sa iba.
Kasabay nito, tiniyak ng DFA na patuloy ang pagtutok ng embahada ng Pilipinas sa Jakarta sa sitwasyon doon.
Nakipag-ugnayan na rin anila ang embahada sa mga otoridad sa Indonesia.
Sa kabila ito ng una nang pagtiyak ng ahensya na walang Pinoy na casualties o nadamay sa nasabing pag-atake.
Base sa tala ng DFA, nasa 8,000 Pinoy ang naninirahan at nagtatrabaho sa Jakarta Indonesia.
By Allan Francisco