Nagtataka ang Malakaniyang sa naging tema ng pagtatanong ng isang pahayagan hinggil sa umano’y hindi tamang pagtrato ng administrasyong Duterte kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tila pinalalabas aniya ng pahayagang Inquirer na biased ang kanilang pakikitungo sa punong mahistrado sa harap na rin ng naka-umang na impeachment laban dito.
Giit ni Roque, wala aniyang ginagawa ang Pangulong Rodrigo Duterte kay Sereno at lalong hindi rin ito nakiki-alam sa kung anong nangyayari ngayon sa punong mahistrado.
Binigyang diin pa ng kalihim na walang kinalaman ang palasyo sa pamumuwersa kay Sereno ng kapwa mahistrado nito para magbakasyon dahil mismong ang mga ito aniya ang nagsabing kinakailangan niyang gawin iyon.
Jaymark Dagala / Jopel Pelenio / RPE