Wala umanong balak si Pangulong Rodrigo Duterte na sumunod sa yapak ni Chinese President Xi Jinping kahit pa matalik na magkaibigan ang mga ito.
Iyan ang binigyang diin ng Malakaniyang kasunod ng naging hirit ng Partido ni Xi sa China na dapat alisin na ang term limit sa kanilang mga pinuno.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi China ang Pilipinas kaya’t dapat na lamang atupagin ang mga panloob na usapin ng bansa.
Malinaw din aniya ang paninindigan ng Pangulo ukol sa term extension at makailang ulit na rin nitong sinabi na bababa siya sa puwesto sa 2022 na siyang pagtatapos ng kaniyang termino.
Giit pa ni Roque, posible ring mapaaga ang pagbaba sa puwesto ng Pangulo dahil sinabi na rin nito na siya’y aalis kapag naisulong na ang Pederalismo sa bansa bago pa man ang 2022.
RPE