Salat sa diwa ng pasko si Communist Party of the Philippines o CPP Founder Jose Maria Sison.
Ito ang inihayag ng Malakanyang kasunod ng lumabas na ulat na tinawag ni Sison na isang uri ng pagkukunwari ang idineklarang unilateral ceasefire ni pPangulong Rodrigo Duterte sa CPP-NPA.
Iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na idineklara ni Pangulong Duterte ang holiday ceasefire para mabawasan ang pangamba ng publiko ngayong kapaskuhan at hindi para kay Sison.
Dagdag ni Roque, kaawa-awa aniya si Sison kung hindi nito maramdaman ang diwa ng pasko dahil matagal naman nang wala ito sa bansa.
Kasabay nito, kinumpirma ni Roque na pinalitan ni Pangulong Duterte ang araw ng idineklarang ceasefire sa CPP-NPA kung saan mula sa unang inanunsyo na Disyembre 24 hanggang Enero 2 ay pinalitan nang alas 6:00 ng gabi ng Disyembre 23 hanggang alas 11:00 ng Disyembre 26 at alas 6:00 ng gabi ng Disyembre 30 hanggang alas 11:00 ng Enero 2.
(Ulat ni Jopel Pelenio)