Tahimik ang malakanyang sa isinusulong na panukala sa Kongreso hinggil sa responsableng paggamit sa ‘freedom of speech’ sa ilalim ng bagong Saligang Batas.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi pa sila makapagbibigay ng anumang komento sa usapin dahil nananatili pa itong panukala at wala pang pinal na pasya hinggil dito.
Kasunod nito, tiniyak ni Roque sa publiko na iginagalang pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘Bill of Rights’ na siyang nakapaloob sa umiiral na Saligang Batas.
Magugunitang inihayag ni Presidential Chief Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na handa ang Pangulo na labanan ang anumang probisyong ipapasa sa bagong Saligang Batas na hindi aniya papabor sa sambayanang Pilipino.