Hindi pabor ang Malacañang na maipagpaliban ang nakatakdang halalan sa susunod na taon dahil sa kakapusan ng panahon ng paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) sa harap na rin ng mga kinakaharap na hamon.
Kasunod ito ng inilabas na temporary restraining order ng Korte Suprema sa No-bio No-boto ng COMELEC.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, maninindigan sila na tuloy ang eleksiyon sa Mayo 2016 alinsunod sa batas.
Pareho aniya ang interes ng lahat ng partidong politikal na matuloy ang eleksiyon sa darating na Mayo.
Lumutang ang “no elections” scenario matapos igiit ng Korte Suprema na payagang bumoto ang mga botante kahit walang biometrics.
Katwiran naman ng COMELEC, maapektuhan ang bilang ng mga voting precincts kapag dumagdag ang mahigit tatlong milyong botanteng walang biometrics, bukod pa sa posibilidad na makalusot ang mga flying voters na siyang dahilan kaya ipinairal ang biometrics.
By Aileen Taliping (Patrol 23)