Iginiit ng Malakanyang na hindi niyuyurakan ng Administrasyong Duterte ang kalayaan sa pamamahayag matapos na ipawalang-bisa ng Securities and Exchange Commission o S.E.C. ang Article of Incorporation ng online news organization na Rappler.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, walang sinuman na media practitioner o media entity ang ipinasara ng Malakanyang maging ang Rappler ngayon ay malayang maglabas ng kanilang artikulo sa social media bilang blogger.
Kailangan lamang anyang gawin ng Rappler ay kumuha ng accreditation sa Office of the New Media na pinamumunuan ni Undersecretary Lorraine Badoy na nasa ilalim ng Presidential Communications Operations Office o P.C.O.O.
Nilinaw ni Roque na kasalanan ng naturang online media entity kung bakit ipinawalang-bisa ng S.E.C. ang kanilang Article of Incorporation dahil napatunayan na hindi 100 percent na pag-aari ng Filipino ang kanilang organisasyon alinsunod sa saligang batas.
Iginiit ni Roque na pinanindigan ng Rappler ang kanilang posisyon sa kabila ng pagkakataon na ibinigay sa kanila ng S.E.C. sa pamamagitan ng isang show cause order upang ituwid ang pagkakamali sa kanilang Article of Incorporation.