Inalmahan ng Malacañang ang ipinalabas na report ng London-based economic research group na Capitol Economics na posibleng magdulot ng pangmatagalang epekto sa ekonomiya ang Pilipinas ang istilo ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi sinasalamin ng naturang report ang mga totoong nangyayari sa bansa.
Binigyang diin ni Roque, itinuturing ang Pilipinas bilang second fastest growing economy sa buong Asya sa nakalipas na dalawang taong panunugkulan ni Pangulong Duterte.
Nangunguna rin aniya ang bansa sa industrisya ng manufacturing at nananatiling mataas ang naitatalang foreign investments sa bansa.
Iginiit naman ni Finance Assistant Secretary Tony Lambino, mas tinitignan ng mga investors ang fundamentals ng ekonomiya sa isang bansa sa pagpapasiya ng mga nito na mamuhunan.
Batay sa report ng Capitol Economics, walang naging masamang epekto sa ekonomiya ng bansa ang pagkapanalo ni Pangulong Duterte na unang pinangambahan ng ilan nang maupo na ito sa puwesto.
Kanila ring pinuri ang patuloy na paglago ng ekonomiya ng bansa at ang pagpapatupad ng mga mahahalaga at makabuluhang repormang pang-ekonomiya.
Gayunman, binigyang diin sa pag-aaral ng Capitol Economics na ang pabago-bago at tila walang paki-alam na istilo ng pamumuno ni Pangulong Duterte ay nagpapakita na ng senyales ng pangamba ng mga investors na mamuhunan sa bansa.
—-