Inalmahan ng may-ari ng pinakamalaking sugar miller sa bansa ang alegasyon na nagho-hoard sila ng asukal.
Ito’y makaraang mag-inspeksyon ang Bureau of Customs sa warehouse ng Crystal Sugar Company sa Bukidnon at Cagayan de Oro City, kung saan mahigit 466,000 na sako ng asukal ang nadiskubre alinsunod sa utos ng pangulo.
Ayon kay Crystal Sugar Company, Incorporated owner Pablo Lobregat, maling impormasyon ang ibinibigay ng source sa malakanyang o inililigaw ang palasyo upang sabihing mayroong hoarding.
Iginiit ni Lobregat na hindi naman hoarding ang kanilang ginagawa bagkus nagsisilbi lamang silang bodega dahil karamihan ng mga asukal ay hindi sa kanila.
Iniimbak lamang sa kanilang warehouse ang mga asukal hanggang sa i-withdraw ang mga ito ng mga may-ari.
Ang nadiskubre anyang sako-sako ng asukal noong isang linggo ay kumakatawan lamang sa 15% ng halos 3 milyong bag na na-produce nila ngayong taon.
Sa ilalim ng “quedan” o mandatory warehouse receipt system, 66% sugar supply sa mga warehouse ay pagmamay-ari ng planters habang 34% ang ibinebenta sa millers.
Sa kabila nito, naniniwala si Lobregat na kulang talaga ang suplay ng asukal.