Kinontra ng Malakaniyang ang pahayag ng Office of the Solicitor General o OSG na hindi maaaring buwisan o singilin ng income tax ang mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nakasaad sa National Internal Revenue Code na ang mga POGOs na domestic corporations at may operasyon sa Pilipinas ay obligadong magbayad ng buwis kahit pa ang kita ay galing sa labas ng bansa tulad ng online bettors.
Sinabi ni Panelo na nakasaad din sa chapter 2 ng NIRC na maaari ring buwisan ang foreign corporations na POGOs subalit sa kinikita lamang mula sa loob ng bansa.
Binigyang diin pa ni Panelo na may karapatan ang estado na maningil ng buwis sa isang indibidwal o korporasyon tulad ng isinasaad sa Korte Suprema dahil ito ay lifeblood ng bansa at ginagawang pantustos sa pondo sa mga programa ng gobyerno.
Tinatayang aabot sa 200 billion pesos ang income na nakukuha ng mga POGOs sa bansa.
Ayon sa opinyon ng OSG na isinumite sa PAGCOR AT BIR, hindi maaaring buwisan ang mga POGO dahil ang kinikitang pusta sa sugal ay galing sa labas ng bansa. — ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17)