Nakatakdang konsultahin ng Palasyo ang Department of Education sa issue ng mandatory drug test para sa mga estudyante simula Grade 4.
Batay na rin ito sa mungkahi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasunod ng pagka-alarma sa pagkakadiskubre sa isang sampung taong gulang na huli sa aktong gumagamit ng iligal na droga.
Ayon kay Presidential Spokesman Atty Harry Roque, hurisdiksiyon ng DepEd ang issue lalo’t ang mayorya sa mga tatamaan o magiging subject na nais ng PDEA ay nasa pampublikong paaralan.
Anya, kakausapin niya si DepEd Secretary Leonor Briones hinggil dito para makonsulta at makuha ang pulso ng kalihim sa isinusulong ng PDEA.
Una nang inanunsiyo ni P.D.E.A. Director Aaron Aquino na kanila ring isusulong ang pagkakaroon ng academic subject kaugnay sa iligal na droga upang bigyan ng sapat na kaalaman ang mga mag-aaral sa masamang epekto ng bawal na gamot gaya ng shabu at marijuana.