Pinalagan ng Malakanyang ang mga batikos laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y diskriminasyon nito sa pagtatalaga ng mga babaeng opisyal.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, walang katotohanan ang mga puna at kritisismo sa pangulo lalo’t halos mga kababaihan aniya ang pinakahuling itinalagang opisyal nito.
Kabilang aniya rito sina Tourism Secretary Bernadette Romulo Puyat, COMELEC Commissioner Soccoro Inting at DSWD Acting Secretary Virginia Orogo.
Bukod pa rito, sinabi ni Roque na batay sa impormasyon mula sa Judicial Bar and Council, dalawang babae ang napasama sa shortlist para sa posibleng maging susunod na Ombudsman.
Kinabibilangan naman ito nina Atty Edna Batacan, dating abogado ni Pangulong Duterte at Atty. Aileen Lizada na inirekomenda naman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.