Nilinaw ng Malakanyang na hindi nagkaiba ang naunang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa resulta ng imbestigasyon ng Philippine Coastguard at MARINA kaugnay ng Reed Bank Incident noong June 9.
Ito ay matapos isalarawan sa report ng PCG ang insidente sa Reed Bank bilang “very serious marine casualty” habang una itong tinawag ni Pangulong Duterte na “little maritime incident”.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, tama ang report ng PCG dahil seryoso talaga aniya ang nangyaring banggaan na maaaring ikamatay pa ng mga mangingisdang Pinoy matapos naman sila abandonahin ng mga Tsino.
Binigyang diin naman ni Panelo na kaya lamang tinawag ni Pangulong Duterte bilang maliit na aksidenteng pangkaragatan lamang ang insidente ay dahil hindi na dapat pang palakihin ito at pagmulan ng international crisis.
Iginiit naman ni Panelo na kinakailangan pa ring panagutin ang Chinese vessel sa pag-abandona ng mga ito sa mga mangingisdang Pinoy.