Muling binanatan ng Malakanyang si Rappler CEO Maria Ressa matapos ituro ang administrasyong Duterte na nasa likod ng panibagong warrant of arrest at pag-aresto sa kanya.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi maaaring magtago na lamang habang buhay si Ressa sa tinatawag na freedom of the press sa tuwing siya ay makakasuhan dahil sa mga paglabag sa batas.
Hindi rin aniya maaaring gamitin sa lahat ng oras ni Ressa ang paglabag sa freedom of the press bilang bahagi ng pag-atake ng pamahalaan para hindi siya mapanagot sa kanyang mga paglabag na tinukoy mismo ng mga piskal at hukuman.
Iginiit pa ni Panelo, dapat na pagtuunan na lamang ng pansin ni Ressa ang mga kinakaharap na kaso sa halip na gamitin ang kanyang propesyon para magpakalat ng mga baluktot na impormasyon.
Dagdag pa ni Panelo, patunay ang pagpipiyansa ni Ressa para sa kanyang pansamantalang kalayaan na sinusunod ng pamahalaan ang presumption of innocence na nakasaad sa konstitusyon.
Una nang tinawag ni Ressa na kalapastanganan sa hustisya ang ginawang pag-aresto sa kanya pagdating pa lamang sa NAIA Terminal 1 kahapon.