Nagbabala ang Malakanyang sa posibilidad na muling maibalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ang mga lugar sa bansa na isinailalim na sa mas maluwag na klasipikasyon ng quarantine.
Kasunod ito ng ulat na hindi nasunod ang patakaran sa physical distancing bunsod ng pagdagsa ng maraming tao sa pagbubukas muli ng mga mall sa Metro Manila at iba pang mga karatig lalawigan noong Sabado.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi malayong magpatupad muli ng mahigpit na quarantine lalo na kung makikitang nagkaroon ng mabilis na pagtaas sa bilang ng kaso ng COVID-19.
Pero siguro intindihin na din natin yung taong bayan, unang beses kasi para talagang nakawala sila sa koral, pero uulitin ko kaya nga pinakita ko kanina yung mga bed capacities natin. Limitado pa rin ang mga kama natin kapag tayo’y nagkasakit, kung lahat tayo ay lalabas ng ganyang kadami at hindi mag-oobserve ng social distancin; unang-una babalik tayo sa ECQ dahil sinabi ko naman, hindi naman nakataga sa bato yan tayo’y nasa MECQ na pero kapag dumami pa rin at hindi natin kakayaning magbigay ng critical care doon sa mga magkakasakit lalo taong balik sa kulungan, ECQ lahat uli,” ani Roque.
Kasabay nito, binalaan din ni Roque ang mga malls at iba pang establisyimento na pinayagan nang magbukas muli na tiyaking naipatutupad ang mga inilatag na minimum health standards ng pamahalaan.
May legal possibility yan na dahil under sa We Heal As One Act kinakailangan ipatupad yung mga requirements ng IATF so, meron ding criminal liability yan if they do not fulfill the obligation na dapat ginagawa nila, dapat may sapat na empleyado, security na magpapatupad nitong mga guidelines na ito otherwise magsarado po sila,” ani Roque.