Aminado ang Malacañang na marami pa silang kailangang trabahuhin para lubos na maibahagi sa publiko ang mga mahahalagang impormasyon hinggil sa Cha-cha o Charter change.
Ito ay makaraang lumabas sa isinagawang survey ng Pulse Asia na 64 na porsyento o mayorya ng mga Filipino ang hindi pabor sa Cha-cha at pagpapalit ng porma ng gobyerno sa federalismo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi mapapagod ang administrasyong Duterte sa pagpapalaganap ng kaalaman sa sistema at istruktura ng federalismo na bahagi ng ipinangako ng Pangulo noong kampanya.
Batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, bagama’t mas maraming Filipino na ang nakakaalam ng tungkol sa Cha-cha kung saan tumaas ito ng 49 na porsyento mula sa 41 porsyento noong Hulyo ng 2016 bumaba naman ng 14 na porsyento ang suportang nakukuha nito sa publiko.
—-