Naglabas ang Malacañang ng veto message ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na naglalaman ng detalyadong items of appropriation na tinanggal sa 2025 national budget.
Nakapaloob sa general comments ng veto message ng Pangulo na kailangang masigurong maipatutupad ang fiscal discipline sa gitna ng target na makamit ang agenda for prosperity.
Sa bahagi ng direct veto ng Pangulo, tinukoy dito ang ilang items of appropriation na aniya’y hindi consistent sa program activities ng pamahalaan.
Kabilang na rito ang mahigit 26 billion pesos na programa at proyekto ng Department of Public Works and Highways, gayundin ang mahigit 168 billion pesos na halaga ng unprogrammed appropriation.
Mapapasailalim naman sa conditional implementation ang ilang programa na may kinalaman sa pagbibigay ng ayuda gaya ng Ayuda sa Kapos ang Kita o AKAP program.
Nangangahulugan ito na ang implementasyon ng programa ay gagawin sa pamamagitan ng polisiya at guidelines na babalangkasin ng Department of Social Welfare and Development, National Economic Development Authority, at Department of Labor and Employment.- Mula sa ulat ni gilbert Perdez (Patrol 13)