Nagpaabot ng taos pusong pasasalamat ang Malakanyang kay dating National Economic and Development Authority (NEDA) Chief Ernesto Pernia.
Kasunod ito ng pagbibitiw na sa puwesto ni Pernia dahil sa personal na dahilan at anito’y philosophical differences sa ibang mga kapwa miyembro sa gabinete.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nagpapasalamat ang Malakanyang sa mahahalagang naging kontribusyon ni Pernia sa ekonomiya ng Pilipinas.
Dagdag ni Roque, inaasahan naman aniya ng palasyo na ipagpapatuloy ni acting Director General Karl Kendrick Chua ang mga nasimulan na ng dating kalihim.
Inaasahan din aniya ng Palasyo ang koordinasyon ni Chua sa iba pang miyembro ng gabinete para maihanda ang Pilipinas sa itinuturing na ngayong “new normal” at mapaagan ang naging epekto sa socioeconomic ng COVID-19.