Nagpahayag ng pakikiramay ang Malacañang sa Royal Family ng Bahrain sa pagpanaw ng kanilang Prime Minister na si Prince Khalifa bin Salman Al Khalifa.
Sa isang pahayag, binanggit ng Palasyo na ikinalulungkot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sinapit ni Al Khalifa at sinsero itong nakikiramay sa pagpanaw ng prinsipe.
Ayon sa Malacañang, sa halos limang dekadang pamamamalakad ni Al Khalifa bilang prime minister ay umunlad ang Bahrain at nagkaroon ito ng “rapid transformation.”
Nagpasalamat din ang gobyerno ng Pilipinas sa punong ministro sa maayos na pakikitungo sa libo-libong Pilipino na nagtatrabaho o naninirahan sa kanilang bansa na itinuturing nilang pangalawang tahanan.
Si Prince Khalifa ay pumanaw sa edad na 84 taong gulang sa Mayo Clinic sa Estados Unidos.