Tiniyak ng Malakanyang na ginagawa ng pamahalaan ang lahat para matugunan ang krisis na idinulot ng COVID-19 sa bansa.
Ito ay matapos lumabas sa survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong Nobyembre na halos kalahati o 48% ng mga pamilyang Pilipino ang itinuturing ang kanilang sarili bilang mahirap.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakalulungkot ang resulta ng nabanggit na survey na masasabing epekto pa rin ng nagpapatuloy na lockdown at quarantine sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Iginiit ni Roque, kabilang sa mga ginagawang pagsisikap ng pamahalaan ay ang pagtiyak na makakakuha ng suplay ng bakuna ang bansa para mapakinabangan ng milyon-milyong Pilipino.
Aniya, bakuna lamang ang tunay na solusyon para matapos ang pandemiya at makabalik na sa paghahanap-buhay ang lahat upang mapababa ang antas ng kahirapan.