Nanatiling positibo ang Malakanyang sa kabila ng pagbaba ng Net Satisfaction Rating ng administrasyong Duterte.
Matatandaang bumagsak sa positive 58 o good ang grado ng gobyerno sa unang quarter ng 2018 o bumagsak ng 12 puntos mula sa positive 70 o excellent rating noong December 2017.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nanatili ang commitment ng gobyerno na tugunan ang interes ng mas nakararaming mga mamamayan sa bansa partikular ang pagtiyak na walang pamilyang Pilipino ang magugutom.
Dapat umanong bigyang pansin ang rating ng gobyerno sa Mindanao na tahanan ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan nanatiling excellent habang nanatili namang very good balance sa Luzon at Visayas.
Kasabay nito, ipinagmalaki ni Roque ang mga ginagawa ng gobyerno sa mga biktima ng sakuna, pagtulong sa mahihirap, pagtiyak sa kapakanan ng mga OFW, paglaban sa terorismo, pagprotekta sa karapatang pantao at iba pa.