Muling nanindigan ang Malakanyang na hindi maaaring magsagawa ng anumang imbestigasyon ang International Criminal Court o ICC hinggil sa kampanya kontra iligal na droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y makaraang i-anunsyo ng ICC na sinisimulan na nila ang kanilang preliminaryong imbestigasyon para sa mga inihaing kaso laban sa pangulo hinggil dito.
Paliwanag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi pwedeng igiit ng ICC ang article 1-2-7 ng rome statute kung saan nakasaad dito na sakop pa rin nila ang mga kasong naganap noong kasapi pa nila ang isang estado o bansa.
Ito’y dahil anya hindi naman malinaw na naging kasapi ng ICC ang Pilipinas dahil sa ilang aspeto gaya na lamang ng kabiguang maratipikahan ito.
Dagdag pa nito, sa simula pa lamang ay bias na ang mga ginagawang hakbang ng ICC at halatang nagpapagamit lamang sa mga kritiko ng administrasyon.
Samantala, magugunita ring lumabas sa survey ng Social Weather Stations na mayorya sa mga Pinoy ay hindi sang-ayon sa pakikialam ng ICC sa mga gawain ng pamahalaan.