Nanindigan ang Malakanyang na sarado na at hindi magbabalik negotiating table ang pamahalaan at NDF o National Democratic Front sa ngayon.
Kasunod ito ng naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanews na nakahanda siyang makipag-one on one kay Communist Party of the Philippines Founder Joma Sison.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, malinaw ang sinabi ng Pangulo na kailangan munang magpakumbaba ng NPA o New People’s Army bago niya pagpasiyahan ang pagbabalik sa usapang pangkapayapaan.
Pinasaringan din ni Roque si Sison na hindi ito importanteng tao para pumayag ang Pangulo na magsagawa ng one on one talk sa labas ng bansa.
Ikinalugod ni CPP o Communist Party of the Philippines Founder Joma Sison ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa isang one on one talk sa pagitan nilang dalawa.
Ayon kay Sison, payag siyang makipag-usap kay Pangulong Duterte alang-alang sa interes ng mga Pilipino at pagbabalik ng peace talks.
Naniniwala rin si Sison na kinakailangan na ang paghaharap nila ng Pangulo lalu’t naging matagumpay naman ang apat na rounds ng usapang pangkapayaan simula noong 2016.
Gayunman, iginiit ni Sison na dapat ganapin aniya ang pag-uusap sa isang neutral country na kalapit ng Pilipinas.
Dagdag ni Sison oras na magpatuloy na ang usapang pangkapayaan ay maaari na siyang bumalik ng Pilipinas.