Sinangga ng Malakanyang ang Maynilad at Manila Water matapos ibabala ng mga ito ang mahigit 100% taas-singil sa tubig.
Ito anila ay kasunod ng pagbawi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa naunang desisyon hinggil sa pagpapalawig sa concession agreement mula 2022 hanggang 2037.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, maaaring gawin ng dalawang concessionaires ang pinakamasamang bagay at ipagpatuloy ang pagnanakaw sa kanilang mga consumers.
Gayunman, tinitiyak aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte na gagawin nito ang lahat para makapagsilbi at maproteksiyunan ang interes ng taumbayan.
Pinaalala rin ni Panelo na mismong ang dalawang water concessionaires ang kusang nag-alok na huwag nang ipatupad pa ang nakaambang taas singil sa tubig sa susunod na taon.
Gayundin, ang hindi na habulin pa ang mahigit P10-B naipanalong compensation claim mula sa pamahalaan.
Iginiit ni Panelo, sa ngayon ay wala pang sagot ang Pangulo sa alok ng Maynilad at Manila Water dahil mahigpit pa niya itong pinag-aaralan.