Inalmahan ng Malakanyang ang naging pahayag ni Vice President Leni Robredo na walang malinaw na direksyon ang administrasyong Duterte sa pagtugon sa COVID-19 crisis.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi niya sinasang-ayunan ang pahayag ng Pangalawang Pangulo dahil hindi aniya totoong kulang ang naging pagtugon ng pamahalaan.
Binigyang diin ni Roque, sa katunayan aniya ay nagresulta ang mga isinasagawang hakbang ng administrasyon sa mababang mortality rate sa COVID-19 na nasa 1.55% lamang.
Napagbuti din aniya ang kapasidad ng mga ospital na gamutin ang mga severe at kritikal na kaso.
Patutsada rin ni Roque kay Robredo, madali lamang dito ang pumuna dahil wala ito sa gitna ng pandemiya at hindi rin inaasahang manguna sa pagkilos.