Naniniwala ang Malakanyang na maibibigay din ang hustisya sa mga naulilang pamilya ng 44 na Special Action Force (SAF) Commandos na nasawi sa nangyaring sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao.
Ginawa ng palasyo ang pahayag kasabay ng paggunita sa ika-limang taon ng ‘oplan exodus.’
Matatandaang ikinasa ang operasyon noong January 25, 2015 na nagresulta sa pagkakapatay kay Malaysian Terrorist Zulkifli Bin Hir alyas ‘Marwan.’
Ngunit imbes na magdeklara ng tagumpay ay nauwi ito sa pagluluksa ng sambayanang Pilipino matapos masawi ang SAF 44 na nakorner ng mga tauhan ni Marwan habang paalis sa kuta ng mga terorista at hindi man lamang nabigyan ng reinforcement o kahit air support.
Bunsod nito, hinimok ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang publiko na patuloy idalangin ang kaluluwa ng 44 na SAF commandos.
Giit ni Panelo, hindi dapat na kalimutan ang malagim na pangyayaring ito sa kasaysayan ng bansa at nawa’y magsilbi aniyang aral ang mga pagkakamali sa naturang operasyon.