Nagbanta ng malawakang kilos protesta ang grupong Karapatan laban sa anila’y pasista at kontra mamamayang mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y makaraang bigyan ng P1,000 budget ng kamara ang CHR o Commission on Human Rights para sa susunod na taon na anila’y malinaw na pagbusal sa karapatan ng mga mamamayan.
Pero sagot ng Pangulo sa mga nagbabanta ng malawakang kilos protesta, malaya ang mga ito na maisakatuparan ang kanilang naisin.
Katunayan, idedeklara pa niyang holiday ang araw kung kailan isasagawa ang naturang pagkilos laban sa kaniyang administrasyon ngunit hindi naman binanggit kung kailan iyon.
Bagama’t binibigyang kalayaan ang mga raliyista na makapaghayag ng kanilang saloobin kontra sa pamahalaan, tanging apela lamang ng pangulo ay manatiling kalmado sa kanilang mga isasagawang kilos protesta at isaalang-alang ang kapakanan ng nakararami.
Nagbabala rin ang Pangulo sa mga komunista na aniya’y posibleng samantalahin ang pagkakataon upang makapaghasik ng gulo at pabagsakin ang administrasyon.
Nakatakdang ganapin ang kilos protesta sa September 21, 2017 kasabay na rin ng anibersaryo ng pagdedeklara ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1972.
—-