Muling inihihirit ng grupong Kilusang Mayo Uno (KMU) ang malakihang omento sa arawang sahod ng mga manggagawa.
Sa ikinasang kilos protesta ng KMU sa labas ng Mega Q-Mart sa Quezon City, nanawagan ang grupo namaitaas sa P750.00 ang daily minimum wage ng mga mangagawa sa buong bansa.
Ayon sa KMU, hindi na sapat ang kasalukuyang minimum wage rate ng mga manggagawa lalu na sa pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa gitna na rin ng nararanasang pandemiya.
Iginiit ng grupo, kakailanganin ng isang libong piso kada araw ng isang pamilyang may limang miyembro para makapamuhay ng maayos.
Nobyembre 2019 pa nakabinbin ang petisyon ng KMU para sa omento sa sahod sa Metro Manila wage board.
Hindi makatuwiran sa kasalukuyang sitwasyon ang hirit na omento sa arawang sahod ng isang grupo ng mga manggagawa.
Ito ang iginiit ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), dahil maging ang mga negosyo anila ay matindi ring naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay ECOP Chairman Edgardo Lacson, hindi napapanahon at magdudulot lang ng mas maraming problema ang hirit ng mga labor groups na itaas sa P750.00 ang arawang minimum wage.
Ani lacson, pinakamatinding tinamaan ng crisis na dulot ng COVID-19 ang mga small and medium enterprises na bumubuo sa halos 99 na porsyento ng ekonomiya ng bansa.
Binigyang diin ni Lacson, maging ang malalaking negosyo at kumpanya tulad ng Makati Shangri-La ay naapektuhan at napilitang magsara, 10 buwan magmula nang magpatupad ng lockdown.