Nalubog sa baha ang malaking bahagi ng Metro Manila dahil sa walang humpay na ulan dulot ng habagat na pinalakas ng Bagyong Karding.
Sa Camanava Area, kabilang sa mga binaha ang barangay dampalit sa Malabon City; Sangandaan, Caloocan City at bahagi ng McArthur Highway sa Marulas, Valenzuela at barangay tangos, sa Navotas.
Ilang kalsada rin ang nalubog sa lungsod ng Maynila tulad sa bahagi ng Taft Avenue; Quezon Boulevard; España Boulevard habang bumungad ang sangkatutak na basura nang humampas ang alon sa Manila Bay.
Sa Quezon City nag-zero visibility naman sa Commonwealth Avenue patungong Quezon Memorial Circle; umabot sa lagpas tuhod ang tubig sa Araneta Avenue habang lagpas gutter sa Visayas Avenue.
Sa Marikina City, itinaas sa ikatlong alarma ang antas ng tubig sa Marikina River makaraang umabot na ito sa mahigit 20 meters dahilan upang magsilikas ang daan-daang pamilya.
Nalubog din sa tubig ang ilang barangay sa mga bayan ng Cainta, Taytay at San Mateo, Rizal.
Dahil dito, libu-libong pasahero ang nahirapang bumiyahe o stranded tulad sa kahabaan ng EDSA mula Monumento, Caloocan hanggang Pasay.
Matinding traffic sa Camanava at Maynila naranasan dulot ng malakas na pag-ulan
Matinding pagsisikip din sa daloy ng trapiko ang naranasan kahapon sa mga lungsod ng Caloocan at Maynila dahil sa pagbaha at malakas na ulang dala ng habagat.
Dakong alas dos ng hapon nang magsimulang maramdaman ang halos walang galawang daloy ng mga sasakyan sa kanto ng C-3 Road at Dagat-Dagatan Avenue hanggang 5th Avenue sa Caloocan.
Inabot nang halos dalawang oras bago maka-usad ang mga sasakyan kabilang ang mga trailer truck at bus mula C-3 hanggang 5th avenue.
Nakapagpabigat din sa daloy ng trapiko ang ginagawang NLEX harbor link habang nalubog sa baha ang riles ng Philippine National Railways sa bahagi ng 5th Avenue kaya’t nagbabaan na ang ilang pasahero ng bus na patungong EDSA.
Baha rin ang sumalubong sa mga pasahero pagdating sa kanto ng Rizal Avenue at 5th Avenue patungong A. Bonifacio Avenue kaya’t napilitan ang ilang pasahero na mag-L.R.T.
Malakanyang, may paalala kaugnay ng patuloy na nararanasang pag – ulan at pagbaha
Samantala, pinaalalahanan ng Palasyo ang publiko na manatiling nakaalerto dulot ng patuloy na pagbaha sa iba’t-ibang bahagi ng bansa dulot ng walang tigil na pag-ulan na pinalakas ng habagat.
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, mas makabubuting manatili muna sa mga ligtas na lugar o evacuation centers ang mga residenteng nakaranas ng mga pagbaha upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ng Palasyo ang lahat ng mga grupo o indibidwal na nagpaabot ng kanilang tulong sa mga apektadong Pilipino.
Una nang sinabi ni Roque na pumalo na sa mahigit P20-M ang tulong na naipagkaloob ng gobyerno para sa mga binahang pamilya na kinailangang ilikas sa mga ligtas na lugar.
(Jopel Pelenio)