Tinanggal na sa serbisyo ang malaking bilang ng mga ‘pasaway’ na pulis na una nang ipinatapon sa Mindanao.
Paliwanag ni NCRPO o National Capital Region Police Office Chief Oscar Albayalde, nag-AWOL o Absence Without Leave ang nasa kalahati ng mahigit 400 pulis na ipinadala sa Mindanao.
Tinitignan din ng PNP kung may kinalaman ang mga pulis iskalawag na ito sa mga nangyayaring krimen ngayon.
Pulis-Caloocan
Aabot naman sa 297 pulis-Caloocan ang nasibak ngayong araw.
Ito ay kaugnay ng iba’t ibang kontrobersyang kinasasangkutan ng mga ito.
Ayon kay Albayalde, unti-unti ang ginagawa nilang pagsibak sa mga pulis-Caloocan dahil sa kanila pang tinitignan kung saan huhugutin ang mga ipapalit sa mga ito.
Posible aniyang abutin ng hanggang sa susunod na linggo bago masibak ang buong puwersa ng Caloocan PNP.
Sinabi ni Albayalde na sasailalim sa retraining ang mga nasibak na pulis-Caloocan sa ilalim ng kanilang “Balik sa Kampo Program”.
Samantala, nasa restrictive custody na naman ng PNP ang mga pulis-Caloocan na nanloob sa isang bahay at kasalukuyan aniyang gumugulong na ang kasong administratibo laban sa mga ito.
—-