Galit at dismayado ang Kilusang Mayo Uno o KMU sa tuluyang pagbasura sa inaasahang pagpapalabas ng executive order o EO ni Pangulong Rodrigo Duterte kontra kontraktuwalisasyon.
Ayon kay KMU Chairman Elmer Labog, pinaniwala lamang sila ng Pangulo na seryoso ito sa pangakong tuluyan nang mawakasann ang kontraktuwalisasyon sa bansa.
Iginiit ni Labog, ang nasabing EO sana ang maaaaring maging senyales ng Kongreso sa pagpapasa ng batas na papabor sa mga manggagawa.
“Mas maganda kung may executive order, sinasabi nga namin ito ang magbibigay tono sana doon sa magiging kahihinatnan ng batas, ang nais lang naman ng mga manggagawa ay ‘yung assurance na ang pangkalahatang patakaran sa pag-eempleyo ng manggagawa ay patakarang regular.” Ani Labog
Kasabay nito, nagbanta si Labog ng isang malaking kilos protesta sa Mayo 1 para kondenahin at ipakita ang galit matapos mabigo sa inaasahang EO mula sa Pangulo.
“Ang nakikita ko ay ang pagdagundong ng ating lansangan sa pagsasama-sama ng mga manggagawang Pilipino upang kondenahin hindi lamang dito sa Metro Manila kundi sa iba pang lugar ‘yung naging posisyon ng ating Pangulo na sa kabila ng paulit-ulit na pangako na wawakasan ang sistemang kontraktuwalisasyon ay mukhang nagingibabaw ngayon ang interes ng mga negosyo na manatiling pinagsasamantalahan ang mga manggagawa.” Pahayag ni Labog
(Balitang Todong Lakas Interview)