Ipinagmalaki ng Philippine National Police (PNP) ang malaking pagbaba sa antas ng naitatalang mga krimen sa Metro Manila sa nakalipas na mga linggo.
Ito’y bunsod ng umiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon na nasa ilalim na rin ng national state of calamity dahil sa COVID-19.
Ayon kay PNP Spokesman P/Bgen. Bernard Banac, sa Metro Manila pa lamang, bumaba sa 766 ang naitalang index crime.
Katumbas ito ng 67.6% na pagbaba sa antas ng krimen na naitala sa kaparehong panahon noong isang taon na nasa 2,367.
Bagama’t kuntento naman sa peace and order situation, nangangamba naman si Sen. Panfilo Lacson na posibleng gamitin ng New People’s Army (NPA) ang sitwasyon gayung hindi nito tinanggap ang alok na tigil putukan ni Pangulong Rodrigo Duterte.