Malaking pagbabago ang makikita ng mga botante sa resulta ng mga surveys na isasagawa bago matapos ang Marso.
Ayon kay Professor Prospero de Vera, isang political analyst, posibleng lumayo na ang pagitan ng mga kandidato na sa ngayon ay magkakadikit ang numero sa surveys.
Ipinaliwanag ni de Vera na posibleng ang mga boto na nakuha ng mga nahuhuli sa surveys ay malipat na sa mga nangunguna dahil lumilinaw na ang tiyansang manalo ng bawat kandidato.
“At pag itong susunod ang merong bumitaw halimbawa biglang lumakas si Grace Poe, ang magiging epekto niyan papunta sa the rest ng April magma-migrate o lilipat na yung boto ng mga medyo nasa huli papunta na sa nasa una kasi masyado nang malapit sa mismong halalan kasi ito na ang huling survey at ang susunod na survey ay election time na.” Ani de Vera.
Magiging malaki rin anya ang epekto ng pagbasura ng Korte Suprema sa disqualification case laban kay Senador Grace Poe sa takbo ng kampanya ng mga kandidato sa eleksyon.
Ayon kay de Vera, dahil wala na ang pinakamalaking isyu laban kay Poe, malalagay na sa plataporma ng bawat kandidato ang atensyon sa kanilang pangangampanya at pagbibigay ng mensahe sa mga botante.
“Pinakamahalagang epekto nito ay mawawalan ng isyu ang mga katunggali ni Grace Poe na ibabalibag bago mo maihayag yung gusto mong mangyari para sa taong bayan, so nada-dilute o naaapektuhan yung messaging ng kanta niya.” Pahayag ni de Vera.
Bongbong Marcos
Kumbinsido naman si de Vera na magtutuloy-tuloy ang paglakas ni Senador Bongbong Marcos sa mga surveys para sa mga tumatakbong vice president sa eleksyon.
Aniya, tanging si Marcos sa hanay ng mga kandidato sa pagka-bise presidente ang mayroong crossover appeal.
Ibig anyang sabihin nito ay ikinakabit si Marcos sa halos lahat ng mga tumatakbo bilang Pangulo sa eleksyon.
“Merong Binay-Bongbong na grupo sa Mindanao, yan ay puwedeng mangyari sa iba pang lugar sa Pilipinas so puwede siyang kumuha ng boto, ikalawa siya lang ang merong ethnic vote na kanya lang, yung Ilocano vote, palagay ko hindi niya pa nasasaid yan kasi ang support niya sa Region 1 and 2 ay nasa mga 42-50 percent pa lang. Dagdag ni de Vera.
By Len Aguirre | Ratsada Balita