Ibinuhos na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang malaking puwersa ng mga sundalo sa Sulu para tuluyang pulbusin ang Abu Sayyaf.
Ayon kay Brig. General Restituto Padilla, Spokesman ng AFP, nasa 7,000 sundalo ang nasa iisang lugar at kasama sa isang operasyon laban sa ASG.
Ito na anya ang pinakamalaking deployment ng tropa ng militar sa panahong hindi umiiral ang giyera.
Tugon ito ng AFP makaraang magbanta ang ASG na sila mismo ang sasalakay sa kampo ng mga sundalo.
Bahagi ng pahayag ni AFP Spokesperson Brig. General Restituto Padilla
Ayon kay Padilla, nasa 5,000 pamilya na ang inaayudahan ng lokal na pamahalaan makaraang lumikas dahil sa labanan.
Katulong rin anya nila ang lokal na pamahalaan para hikayatin ang mga symphatizers ng ASG na tantanan na ang pagsuporta sa mga bandido.
Bahagi ng pahayag ni AFP Spokesperson Brig. General Restituto Padilla
Holy war or Jihad
Samantala, nagbanta ng Jihad o holy war ang Abu Sayyaf laban sa mga sundalo ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Laman ito ng text message ng isang Alhabsi Misaya, nagpakilalang spokesperson ng Abu Sayyaf na ipinakalat sa mga miyembro ng media at ilang opisyal sa Sulu.
Ayon kay Misaya, ngayong Setyembre matitikman anya ng mga sundalo ni pangulong duterte ang pakikidigma sa tinagurian nilang huling laban sa Patikul.
Kung hindi anya mangunguna sa pag-atake ang mga sundalo ay handa silang sugurin ang kampo ng militar.
Sinabi ni Misaya na tinatayang nasa 1,000 miyembro ng Abu Sayyaf ang tinipon nila para makidigma.
By Len Aguirre | Ratsada Balita