Kinuwestyon ni Senador Francis Tolentino ang malaki pa ring share ng National Capital Region sa 2023 proposed national budget.
Sa budget deliberations, pinalilinaw ni Tolentino kung bakit laging ang NCR ang may pinakamalaking bahagi sa national budget sa gitna ng pagsisikap na paliitin ang gap sa pagitan ng mga rehiyon.
Batay anya sa regional allocation ng expenditure program para sa 2023, ang Metro Manila ang may pinakamataas na alokasyon na katumbas ng 18.8% o P989 billion ng P5.286 trillion budget.
Sa kabila nito, nilinaw ng senador na mahal niya ang National Capital Region dahil naging Regional Development Council Chairperson pa siya ng NCR.
Pero ipinaliwanag ni senate Finance Committee Chairman Sonny Angara na pangunahing dahilan ng malaking pondo sa NCR ang personnel services dahil karamihan sa central offices ng gobyerno ay nasa Metro Manila. –Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)