Handang handa na ngayon ang malalaking partido para sa paglunsad ng kanilang mga presidential campaign kaugnay ng halalan sa darating ng Mayo.
Kasabay ng unang araw ng kampanyahan sa Martes, Pebrero 9, magsasagawa ng kick off rally sa Welfareville Compound sa lungsod ng Mandaluyong si United Nationalist Alliance (UNA) presidential bet Vice President Jejomar Binay.
Ayon kay Joey Salgado tagapagsalita ni Binay, mula Mandaluyong ay tutunguhin din ni Binay ang lalawigan ng Cavite at Laguna sa unang araw ng kampanyahan.
Ang tambalang Sen. Grace Poe at Sen. Chiz Escudero ng Partido Galing at Puso ay magsasagawa ng kanilang proclamation rally sa Plaza Miranda, Quiapo, sa Martes Pebrero 9, mula alas-4:00 hanggang sa alas-7:00 ng gabi.
Habang ang Liberal Party standard bearer na si Mar Roxas ay magsasagawa naman ang kanyang proclamation rally sa Capiz Gym sa umaga habang sa Iloilo Freedom Park naman sa hapon.
Sa Tondo, Maynila naman ang proclamation rally sa unang araw ng kampanyahan ang tambalang Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Alan Peter Cayetano.
Habang ang tambalang Sen. Miriam Defensor-Santiago at Sen. Bongbong Marcos ay minabuting gawin ang kanilang political rally sa Batac, Ilocos Norte sa Martes.
By Mariboy Ysibido