Naniniwala si Senator Leila De Lima na posibleng kasabwat din ang mga malalaking personalidad sa bilyong pisong halaga na kinita ng mga Pharmally official sa bansa.
Ayon kay De Lima, maaaring dumaan din sa ibang kamay ang bilyones na ibinayad ng gobyerno sa pangunguna ni dating Procurement Service of the Department of Budget and Management OIC Lloyd Christopher Lao sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Kumpiyansa si de lima na ang mga bigating personalidad na ito ang nasa likod kung bakit sa halip na isiwalat ang katotohanan ay mas pinili nina Mohit Dargani at Linconn Ong ng Pharmally na manahimik at mabilanggo sa Pasay City Jail habang ang iba naman ay patuloy na nagtatago sa batas at ayaw magsalita.
Sa kabila nito, inihayag ni De Lima na suportado niya ang paggamit ng buong kapangyarihan ng senado upang halukayin ang buong katotohanan sa paggastos sa kaban ng bayan bilang pantugon sa COVID-19 pandemic. —sa panulat ni Angelica Doctolero