Kasado na sa Enero 7 ang full cabinet meeting na pangungunahan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Presidential Communications Office Acting Secretary Cesar Chavez, kabilang sa mga tatalakayin sa pulong ang mga legacy project, gaya ng big-ticket programs at official development assistance-funded projects.
Kabilang sa legacy projects ni PBBM ang pagkakaroon ng specialty hospitals na layong pangalagaan ang kalusugan ng bawat Pilipino.
Kasama rin dito ang housing o murang-pabahay para sa mahihirap, at food self-sufficiency.
Isa naman sa ongoing big-ticket projects ng pamahalaan ang ‘integrated disaster risk reduction and climate change adaptation project,’ na layong maibsan ang pagbaha sa low-lying areas ng pampanga.
Samantala, nagkaroon naman ng ‘comparing of notes’ sina PBBM at Executive Secretary Lucas Bersamin, bilang paghahanda sa kauna-unahang full cabinet meeting ng administrasyon ngayong taon.
Noong nakaraang taon, nagkaroon ng dalawang full cabinet meetings si PBBM, dalawa ring special cabinet meetings at apatnaput siyam na sectoral cabinet meetings. – mula sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)