Pinatututukan ng liderato ng Philippine National Police (PNP) sa Police Regional Office 8 ang kaso ng pamamaslang sa mamamahayag na si Jesus Jess Malabanan sa Calbayog City kagabi.
Kasunod nito, ipinag utos ni PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos ang pagbuo ng isang Special Investigation Task Group o SITG na siyang mangunguna sa imbestigasyon.
Ayon kay Carlos, kasalukuyan nang nangangalap ang binuong SITG ng CCTV footage sa lugar na pinangyarihan ng insdente.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa pamilya para alamin ang possibleng motibo sa gitna ng mga ulat na may natatanggap na death threats ang biktima.
Batay sa inisyal na imbestigasyon nanonood ng TV sa kanyang tindahan ang biktima nang biglang pagbabarilin ng hindi-kilalang salarin, bago tumakas sakay ng motorsikolo na may isa pang kasama.
Mariing kinondena ng PNP Chief ang insidente kasabay ng pagtiyak sa lahat ng nananawagan para sa hustisya, na gagawin ng PNP ang lahat para agarang matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng krimen. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)