Malalagay sa panganib ang Malampaya deep water to gas power project at mga isda sa teritoryong inaangkin ng Pilipinas sa West Philippine Sea kung ititigil ang joint patrol ng bansa at ng Estados Unidos.
Babala ito ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio sa harap ng matinding pagtutol ng Pangulong Rodrigo Duterte sa joint patrols sa karagatan.
Ayon kay Carpio, ipinag-uutos ng konstitusyon ang pagpapatrolya ng militar hindi lamang sa 12-mile territorial sea ng bansa kundi maging sa 200-mile exclusive economic zone.
Ang Malampaya project ay nasa labas ng 12-mile territorial sea subalit sakop pa rin ng exclusive economic zone o EEZ ng Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Carpio na ang tanging paraan upang maprotektahan ang mga pag-aari ng Pilipinas laban sa mga dayuhan ay tiyaking regular ang military patrols.
Kumbinsido rin si Carpio na tanging ang Estados Unidos ang may kakayahang pigilan ang China sa pagpasok sa ating EEZ.
Si Carpio ay isa sa mga humarap sa UN Arbitral Court sa kasong isinampa ng Pilipinas laban sa China kung saan nakakuha ang bansa ng paborableng desisyon.
By Len Aguirre