Isinusulong ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate sa kamara na imbestigahan ang natuklasang iregular na paggamit ng mga dating opisyal ng DBM o Department of Budget and Management sa pondo ng Malampaya mula 2004 hanggang 2012.
Ayon kay Zarate, mahalagang gamitin ng kamara ang oversight functions nito para siyasatin at himayin kung paano ginamit ng mga dating opisyal ng DBM ang pondo na nagkakahalaga ng tatlumpu’t walo punto walong (38.8) bilyong piso.
Matibay na ebidensya na aniya rito ang natuklasan ng COA o Commission on Audit na hindi sumusunod sa batas ang lahat ng pinaggamitan ng pondo na dapat nakalaan lamang para sa mga programa ng gobyerno na kaugnay sa langis at enerhiya.
Ito rin ang dahilan ayon kay Zarate kaya’t inihain niya ang House Bill 3877 na nag-aamiyenda sa Presidential Decree 910 kung saan ipinalilipat sa general fund ang pondo mula sa Malampaya upang nababantayan ang mga pinaggagamitan nito.
(Ulat ni Jill Resontoc)