Mariing pinabulaanan ng gobyerno na nagagamit ang pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pamumulitika sa pamamagitan ng mga Malasakit centers.
Ito ay sa gitna ng naging panukala ni Albay Rep. Edcel Lagman na paimbestigahan sa Kamara ang mga malasakit centers na itinayo sa pagsisikap ni dating Special Assistant to the President at ngayo’y Senador Christopher Bong Go.
Ayon kay Assistant Secretary Jonji Gonzales ng Office of the Presidential Assistant to the Visayas, dati nang may pondo ang PCSO at iba pang ahensiya ng gobyerno para sa medical assistance at ito ang ginagamit sa Malasakit centers.
Nandyan naman talaga yan sa mga medical financial assistance, so kung anong pondo nila for medical financial assistance yun lang ang ginagamit dun sa Malasakit centers gaya ng PCSO, gaya ng Pagcor, gaya ng DSWD lahat sila may pondo ang mga iyan for medical financial assistance,” ani Gonzales.
Aniya, dati nang proyekto ng Pangulo ang pagbibigay ng tulong sa pamamagitan ng kalinga para sa bayan noong ito ay alkalde palamang at si Senador Bong Go ang siyang nagsulong para gawin itong nationwide.
Wala rin aniyang bahid ng pulitika ang operasyon ng Malasakit centers dahil tinutulungan ang sinumang Pilipinong lalapit dito.
Top shop ang ginawa natin nagi-greenline lang tayo sa process natin para naman yung mga pasyente hindi na sila kailangan pumunta pa sa iba’t-ibang building nauubos yung pera nila sa pamasahe, nauubos yung oras nila para humingi ng tulong sa mga bawat agencies at itong Malasakit center walang pulitika ‘to. Kasi maski sino basta Pilipino ka pwede kang pumunta doon sa Malasakit center at maka-avail ka sa medical financial assistance sa bawat agencies na nandoon sa Malasakit center,” ani Gonzales.
Exclusive interview sa On The Go.