Ikinakasa na ng Philippine National Police (PNP) ang mga paghahanda para sa nalalapit na 2022 national at local elections.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, ngayon pa lang ay tinututukan na nila ang paghahanap sa mga private armed groups na inaasahang magiging aktibong muli sa panahon ng halalan.
Pinag-aaralan na rin ani Eleazar ng kanilang command group ang pagpapatupad ng malawakang balasahan sa kanilang hanay upang mawala ang familiarity sa mga pulis at hindi magamit ng mga pulitiko.
Mahigpit aniya ang bilin sa kanila ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año na walang sinumang pulis ang dapat o mahuhuling nakikisawsaw sa pulitika o di kaya’y nagpapagamit sa mga pulitiko.