Napapanahon na para sa isang malawakang balasahan sa mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Ito’y dahil sa sunud-sunod na mga insidente ng tanim bala na bumibiktima sa mga Pilipinong nagbabalikbayan.
Ayon kay Davao City Rep. Karlo Nograles, kinakailangan nang balasahin ang mga tao sa NAIA upang masagip ang imahe ng bansa.
Nababale-wala aniya ang mga pinaghirapan ng administrasyong Aquino sa pagsugpo sa katiwalian dahil sa mga palpak na pasilidad lalo na sa mga pasaway na tauhan.
Sa mga kaso aniya ng tanim bala, pinapakita lamang nito ang pagsisinungaling at pagiging manhid ng mga tauhan at opisyal ng mga paliparan.
Nagpapatuloy din aniya ang culture of impunity sa NAIA dahil sa sabwatan ng mga porter, security personnel at mga airport police na walang habas na nangingikil sa mga pasahero.
By Jaymark Dagala